Tanganan ang Pakikibakang Iniwan ni Ka Randy—Martir, Rebolusyonaryo!
Hindi kailanman malilimutan ng nakikibakang mamamayan ang buhay na tinahak ni Ka Randy Echanis — isang buhay na simula’t sapul ay nakadikit at hindi hiniwalay sa mas malawak na masang pinagsasamantalahan at inaapi.
Habang nagluluksa ang masang magsasaka at maralita sa pagkamatay ni Ka Randy, kasabay na sumisilakbo ang diwang rebolusyonaryo ng lahat ng patriyotikong kabataan, magsasaka, at mamamayan sa pagbabalik-tanaw sa buhay ni Ka Randy na buong-buo na inialay sa pakikibaka.
Isa si Ka Randy sa mga militante at patriyotikong kabataan-estudyante na sa panahon ng diktadura ni Marcos ay ubos-lakas na nakiisa sa lahat ng masang magbubukid, manggagawa, at maralita sa laban para sa kalayaan at demokrasya. Kasama ang mga kapwa militante at rebolusyonaryo, walang takot na hinarap ang banta at lagim ng pasistang pwersa ni Marcos — mula sa kanyang pagsapi sa ligal at demokratikong kilusan, hanggang sa pagsagot niya sa hamon ng panahon na paglingkuran ang sambayanan sa kanayunan.
Hindi nalupig ng ilang beses na pagkakaaresto, pagtortyur, at pangsisindak ng iba’t ibang rehimen ang diwang militante ni Ka Randy. Dalawang ulit siyang mapagpasya na lumahok sa paglulunsad ng Rebolusyong Agraryo at sa mga panahon na hindi siya pinahintulutan ng sitwasyon na makiisa sa masa sa kanayunan, inialay niya ang kanyang lakas sa patuloy na pag-oorganisa at pagkilos sa kasiyudaran.
Nasaksihan ng mahigit limang dekada na pagkilos ni Ka Randy ang lumalala at nagpapatuloy na krisis dulot ng pyudalismo, burukrata-kapitalismo, at imperyalismo. Kaakibat nito ang umiigting na kontradiksyon sa lipunan na nagluluwal ng mga reaksyunaryong rehimen na mas masahol sa mga nagdaan. Bilang tugon, walang-tigil ang pagpapalalim niya sa kamulatan sa ideolohiya, pulitika, at organisasyon, at pagpapakahusay niya sa lahat larangan ng pakikibaka.
Ang pagpatay kay Ka Randy ay palatandaan lang ng ngayo’y tumitinding atake ng rehimeng Duterte na bunga na rin mimso ng desperasyon ng pasistang pangulo na supilin sa pinakamadaling panahon ang lahat ng demokratiko at rebolusyonaryong pwersa na nagdadala ng banta sa kanyang pananalasa.
Sa gitna ng pagdadalamhati ng masang Pilipino sa malagim na dinanas ni Ka Randy, pinaaalalahanan tayo ng kanyang buhay na ang sakripisyo, kahirapan, at kamatayan ay mga aspeto ng pakikibaka na kinakailangang malampasan sa landas patungong tagumpay.
Sa pagkamartir ni Ka Randy, ang lahat ng patriyotikong kabataan at magsasaka ngayon ay hinahamon din ng panahon na tahakin ang landas na tinahak niya.
Labanan ang pasismo at terorismo ng estado! Ipagpatuloy ang pakikibaka ng isang rebolusyonaryong martir!