Suri: Tayong mga bihag ng neoliberalismo, hinggil sa Greenhills hostage incident

Maria Laya Guerrero
4 min readMar 4, 2020

--

Litrato’y kuha mula kay Michael Varcas ng Philippine Star (philstar.com)

Noong Lunes, Marso 2, nagkandarapa ang media sa pagbabalita sa hostage incident na nangyari sa V-mall, San Juan city.

Bandang 11:14 am, pinasok ng dating security guard, 40 anyos na si Alchie Paray ang V-mall, at pagkatapos barilin ang nangusisang security officer na si Roland Beleta ng .45, ay pumunta sa opisina pampinansya at binihag ang 55 tauhang nandito.

Sa loob ng halos 10 na oras, nakipag-usap si Paray sa kanyang mga dating katrabaho, employer, kapulisan, media, at madla. Sinubukan niyang pakampihin sa kanyang panig ang mga katrabaho niya. Idinemanda niyang mag-resign sa trabaho ang kanyang mga boss — idinemanda pa nga niyang kumain ng pera ang dalawa sa mga ito.

Kahit na inalok pa siya ng kanyang agency, Safeguard Armor Security Corporation (SASCOR), ng 1 milyon upang manahimik, hindi niya ito tinanggap; bagkus, pagkalabas niya’y ipinahayag niya sa 20-minutong talumpati ang kanyang nagpupuyos na galit sa hindi makatarungang pamamalakad sa kanyang pinagtatrabahuan.

Kahit na wala siyang sinaktan sa mga bihag, (hinayaan pa nga niyang bigyan ng mga awtoridad ang mga bihag ng pagkain at inumin), ginulpi si Paray pagkatapos ng kanyang pag-surrender, at kumakaharap ng kaso katulad ng frustrated murder at illegal detention.

Kung tutuusin, hindi natin puwedeng isantabi si Paray bilang hibang o kaya galit lang na tao. Ang mga saloobin ni Paray ay minsa’y sumagi na rin sa isipan ng maraming inaalipusta ng sistema: pasabugin na lang natin ang opisina, patayin na lang natin ang ganid, atbp. Kung titingnan natin ang reactions sa pagbabalita nito ng Rappler, “sad” ang malaking bahagi nito. Kahit na isantabi ng ilang media outlets si Paray bilang “disgruntled former security guard”, makikita nating nasa kanya pa rin ang simpatya ang kalakhan ng mamamayan.

Ang pangunahing problema niya sa trabaho: kung paano siya basta-basta ni-reassign dulot ng palakasang nagaganap sa kanyang agency, kung paano niya sinagot ang kanyang “dalawang” boss (sa kanyang pinapasukang mall at ang kanyang agency mismo), ay danas ng marami sa ating mga Pilipino. Ito ang pangamba sa seguridad sa pinagtatrabahuan at hindi maasahang pagpapatupad sa mga (mismong problematikong) polisiya sa trabahong kumikiling sa interes ng mga kumpanya.

Labas pa sa trabaho ni Paray, may usapin din ng tumitinding krisis sa mga pampublikong serbisyo. Hindi simpleng bagay ang ma-reassign ng pinagtatrabahuan, lalo’t palala nang palala ang krisis sa transportasyong nagnanakaw ng oras sa ating makapagpahinga’t makasama ang ating mga mahal sa buhay. Ang lahat ay napipilitang gumising ng mas maaga o kaya’y umuwing pagod na pagod na.

Sa kawalan pa nga ng libre’t de kalidad na pampubliko serbisyo, lalung lumalala ang pag-aalala sa pagkawala ng seguridad sa pagkakaroon ng trabaho.

At dagdag pa rito, patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin.

Hindi nakapagtataka kung bakit ganito sinasabi ni Paray na kailangan niyang ilabas ang kanyang saloobin — dahil talagang mabigat ang pinapasan ng mga nagtatrabahong Pilipino sa araw-araw.

Kung tutuusin, hindi si Paray ang tunay na nambibihag, kundi ang neoliberal na kaayusan sa ekonomya’t politikang nambibihag sa lahat ng uring manggagawa.

Itong neoliberalismo’y itinulak ng mga burgis na ekonomista’t politiko upang lutasin kuno ang likas na krisis ng kapitalistang (labis na) produksyon: pagtatanggal ng pagpondo ng estado sa mga pampublikong serbisyo’t pagbigay ng kalakhan ng mga ito sa pribadong interes ng mga kapitalista, pagpapabaya ng pamamalakad ng mga kompanya sa mga may-ari nito, at pagkiling sa interes ng mas dominanteng (imperyalistang) dayuhang kapital. Kung kaya sa hanay ng mga manggagawa tulad ni Paray, talamak sa kanila ang pagbubuwag ng mga unyon upang humina ang organisadong lakas nila laban sa kapitalista.

Kahit ang mga burgis na ekonomista ngayo’y inaamin na problematiko ang neoliberalismo. Ang giit nati’y pinalala pa nga nito ang kasalukuyang kundisyon. Sa neoliberal na kaayusan, tinitingnan tayong masa na madaling mapalitan — disposable. Katulad na lamang kung paano napalitan si Paray sa kanyang dating puwesto sa Greenhills. Higit pa sa pagbabaon sa atin sa kahirapan hanggang sa kamatayan, walang pakialam ang neoliberal na kaayusan dito — huhuthutan ka pa ng kita sa iyong pagkamatay.

Kung kaya sa pagtindi ng krisis sa ekonomya, pagkitid ng mga espasyo para sa paggiit ng mga demokratikong karapatan, at hindi makataong pagtrato sa mga mamamayan, napipilitan ang mga ilan tulad ni Paray na gumawa ng mga desperadong aksyon laban sa sistema.

Bagamat sawi si Paray sa pagpapabagsak ng kanyang kumpanya, at mas lalo ng neoliberal na kaayusan — paano na tayo’t ano ang mga dapat nating gawin?

Tayong mga bihag ng neoliberalismo’y higit na mas marami’t mas malawak, kumpara sa mga tagapamandila’t tagapagtulak ng kaayusang ito. Ang kongkretong tungkulin nating mamamayang Pilipino ay magpa-organisa at organisahin ang malawak na hanay ng masa laban sa iba’t ibang atake ng neoliberalismo. Sumali sa mga organisasyong masa, buuin at patatagin ang mga unyon, makibaka para sa mga demokratikong espasyo’t karapatan.

Pero kung nanaisin nating wasakin talaga ang kawing ng neoliberalismo sa atin, hindi sasapat ang mga salita dahil ang mga nakaupo sa iba’t ibang puwesto’y kumportable’t nakikinabang pa nga sa kaayusan. Hindi repormismo ang sagot at hindi rin mga ispontanyong aksyon ng mga indibidwal ang makalulutas nito.

Tingnan natin sa ibang lente si Paray: gamit ang isang pistola’t granada, nagawa niyang mapakinggan siya ng kanyang mga amo’t ng buong bansa. (Kunwari pang granada ang mga iyon. Ayun pala’y mga kayumito lamang na nakatago sa kanyang bag.)

Paano pa kaya kung organisado ang mamamayan sa isang hukbong bayang tahasang nakikipagtapatan sa mga ganid na employer, mga despotikong panginoong may lupa, mga tusong burukrata-kapitalista — upang ipagtanggol at igiit ang mga demokratikong karapatan ng mamamayan? At sa kasalukuyang sitwasyon, may nakatayo’t lumalawak na hukbong ganito sa Pilipinas — walang iba kundi ang Bagong Hukbong Bayan.

Klaro sa atin, lalo na sa mga kabataang Pilipino, na kung tayo’y pagod na sa impyernong hatid ng neoliberalismo, o kaya’y tumatanaw sa mas makataong mundo, ang landas nati’y patungo sa kanayunan — sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

--

--

Maria Laya Guerrero
Maria Laya Guerrero

Written by Maria Laya Guerrero

Read about the national democratic perspective on pressing issues — from the Kabataang Makabayan National Spokesperson.

No responses yet