Pasismo: Tanda ng patuloy na naghihingalong reaksyunaryong estado
Ilantad ang umiigting na pananakot bilang tanda ng desperasyon ng estado! Puspusang labanan ang pasismong atake ng rehimeng Duterte!
Mahigit isang buwan matapos ipatupad ni Duterte ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon, hindi na mapigilan ang pagsiklab ng galit ng mamamayan sa iba’t ibang dako ng bansa dala ng kapalpakan at kawalan ng malasakit ng administrasyon sa harap ng lumalalang krisis panlipunan.
Kung babalikan, inihain ni Duterte nuong Marso ang mas mahigpit na pagpapatupad ng lockdown bilang solusyon kontra umano sa paglaganap ng COVID-19 sa bansa. Taliwas sa inihayag nyang layunin, naging malinaw na hindi pagpapaabot ng tulong kundi dagdag na pasakit ang hatid ng nasabing patakaran.
Sa iba’t ibang panig ng bansa, lalong nasadlak ang taumbayan sa katakot-takot na perwisyo at kahirapan. Halos hindi magkamayaw ang mga manggagawa sa paghahanap ng paraan upang makarating sa kani-kanilang mga trabaho dahil sa pagsuspinde ng pampublikong transportasyon. Problemado naman ang mga magsasaka sa kanayunan kung paano maibebenta ang kanilang mga ani dala ng pagkaparalisado ng komersyo.
Samantala, bigo ang mga maralitang tagalunsod na makahanap ng maayos at de kalidad na matutuluyan sa panahon ng pandemya, at dismayado ang mga kabataan matapos silang iwan at pabayaang maghanap ng sari-sariling pamamaraan kung paano maipagpapatuloy ang kanilang pag-aaral. Ang ipinangakong mass testing na pundamental sa pagresolba ng virus ay hindi pa nararamdaman ng mga mamamayan.
Mula sa mga dagdag na pasakit na ito, hindi kataka-taka na nagiging matunog at lalo pang lumalakas ang ang panawagan ng mamamayan na panagutin ang gubyerno sa patuloy nitong kapalpakan sa pagresolba sa umiigting na krisis sa bansa.
Bilang ganti, mas maigting na pananakot at lalong panggigipit ang ibinalik ni Duterte sa mamamayan. Sa pagsambulat ng galit ng masang naghihikahos, walang ibang nakikitang solusyon ang rehimen kundi sumandig sa armadong pwersa at pasiglahin pa lalo ang panlilinlang at pananakot gamit ang mga aparato ng estado.
Mga Taktika ng Rehimeng Duterte sa Pagpapakalat ng Takot sa Bansa
Bago pa man umangat sa pagiging pangulo si Rodrigo Duterte, hindi na bago ang pagbaling niya sa pasismo at karahasan upang malinlang at masupil ang paglaban ng mamamayan. Katunayan, sa mahigit 22 taon nyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao, hambog na dala-dala ni Duterte ang titolong “Death Squad Mayor.”
Bilang mukha ng lokal na yunit ng pamahalaan, naging kilala siya sa marahas at kamay-na-bakal niyang pamamahala. Ang lagpas dalawang dekada niyang panunungkulan bilang alkade ay nakakabit sa pagkawala at pagpaslang ng libu-libong mga pinaghihinaalang kriminal sa lugar. At bagaman ilan lamang sa mga nasabing kaso ng pagpatay ang nabigyan ng atensyon sa hukuman, malinaw at mulat ang mamamayan ng Davao na si Duterte, katulong ang mga lokal na kapulisan, ang siyang salarin sa mga nasabing pagpaslang.
Mula sa ganitong uri ng pananakot at panlilinlang, nagsimulang buuin ni Duterte ang kanyang mito bilang isang lider na handang sagasaan ang lahat na tataliwas sa kanyang mga utos.
Di naglaon, sa pag-akyat niya bilang presidente ng bansa, dala-dala pa rin ni Duterte ang kanyang mapanupil na katangian. Kahalintulad ng ginawa ng kanyang idolong si Ferdinand Marcos, ipinlasta niya ang AFP at PNP sa pinakaharap ng kanyang gubyerno, at sumandig siya sa armadong panunupil at pinakawalan ang pinakamasasahol na mga atake kontra mamamayan upang mailatag ang kanyang pinapangarap na paghaharing diktadura.
Sa kanyang mga unang buwan pa lamang sa pwesto, ginimbal niya ang bansa sa sunod-sunod na paglulunsad ng mga mararahas na gera kontra-mamamayan.
Naghasik siya ng takot at winasiwas ang pangil ng kanyang armadong pwersa sa pamamagitan ng Oplan Tokhang, Oplan Kapayapaan, at Batas Militar sa Mindanao. Sa maiksing panahon, tuluyang nalusaw ang kanyang maskarang bitbit bilang isang maka-masa at sosyalistang lider, at tumambad sa mamamayan ang tunay niyang mukha bilang isang masahol, sakim, at ambisyosong demagogo.
Bilang isang tapat na tagahanga ni Marcos, ipinares niya ang paggamit ng sibilyang burukrasya sa militaristikong panunupil upang lalong masigurado ang lubos niyang kontrol sa kapangyarihan na binigyang mukha ng Executive Order 70 o ang pagbubuo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Ipinlasta niya ang mga pinakasagadsagaring reaksyunaryo sa kanyang gubyerno at tiniyak na nasa kanyang panig ang Senado, Kongreso, at Korte Suprema upang masigurado ang ganap niyang pag akyat sa pinaka tuktok ng naghihingalong estado.
Naging malaking bahagi din ng kanyang pasistang taktika ang pagtarget sa mga progresibo at pinaghihinalaang rebolusyonaryong elemento. Agaran siyang nagdeklara ng crackdown laban sa mga ito at walang pag-aatubiling pinakawalan ang mga pulis at militar upang marahas na tugisin ang mga taong kumakalaban sa kanyang administrasyon.
Ngayon, sa patuloy na paglala ng krisis na lalong pinaigting ng sakit na COVID-19, walang ibang nakikita si Duterte na sagot kung hindi ang lalo pang pagpapatampok ng pinaka mararahas at masasahol na banta at atake sa mamamayan gamit ang kanyang nabubulok na pasistang makinarya.
Tulad ng kanyang nakagawian, sumandig siya uli sa kanyang mga nakaunipormeng tauhan at namuhunan sa mahabang kasaysayan ng pang-aabuso ng mga kapulisan at kasundaluhan para magpalaganap ng takot sa mga normal na mamamayan. Imbes na magbigay ng substantibong programang medikal upang malutas ang problema sa COVID-19, naglatag siya ng mga tsekpoynt sa iba’t ibang panig ng bansa at tahasang inutusan ang AFP at PNP na balewalain ang mga karapatang-tao ng mamamayan.
Upang makagawa ng ilusyon na nasa panig niya pa rin ang mayorya at manipulahin ang publiko, namumuhunan din si Duterte sa paggamit ng mga trolls at pagpapakalat ng gawa-gawang mga balita, magpalaganap ng malisosyong mga balita kontra mga progresibong grupo, manakot at pagbantaan ang mamamayang lumalaban, at magpatambol ng mga haka-haka na nakatuon sa pagsasabutahe ng mga nakaambang kolektibong kilos laban sa kanya.
Ang pasismo bilang tanda ng desperasyon ng naghaharing-uri
Kabaligtaran sa nais ipresenta ng administrasyon ni Duterte, ang tuloy-tuloy at mas lumalalang porma ng pananakot na isinasagawa nito ay sumasalamin sa desperasyon at hindi sa kalakasan ng estado. Imbes papalawak, lalong numinipis ang saklaw ng kapangyarihan ni Duterte at ng mga alipores nito.
Sa panahon na lalong umiigting at mas lantaran ang krisis sa lipunan, takot ang rehimen na manganganak ang mga kasalukuyang kondisyon ng lalo pang pag-aalsa at paglaban mula sa hanay ng naghihikahos na masa.
Pagkat alam ng administrasyon na hindi ganap na masosolusyonan ng lockdown ang problema sa kalusugan, pulitika, at ekonomya, nangangatog itong sumasandal sa walang-habas at mas malawakang pananakot, pagyurak sa karapatang pantao, at pagpatay.
Dahil inilantad at pinalalala ng kasalukyang pandemya ang kainutilan at kabulukan ng kasalukuyang sistema, hindi na magawang makapaghari pa ng rehimen ni Duterte gamit ang dati nitong mga pamamaraan. Bilang porma ng desperasyon, itinakwil na nito ang lahat ng burges-demokratikong palamuti at itinambad ang tunay nitong mukha bilang isang sakim, korap, at masahol na pasista.
Pinakakawalan na nito ang lahat ng pinakamasasahol na atake upang puksain ang mga kalaban, mapatahimik ang mamamayan, at mapahaba pa ang kanilang naghihingalong kapangyarihan.
Lalong pinahihina ng pasismo ang estado at lalo lamang nitong pinapainit ang apoy ng paglaban ng mamamayan. Habang patuloy sa pagdura ng masasamang salita si Duterte, lalo namang napupuno ang masa sa kawalan ng pagkain sa mesa at maayos na programang sasagot sa mga lehitimong interes nila.
Maging sa parte ng mga naghaharing-uri, pinalalalim din ng pasismo ni Duterte ang hidwaan sa pagitan ng mga kapwa niya reaksyunaryo. Habang patuloy sa pagkamkam ng kapangyarihan at yaman si Duterte, parami rin nang parami ang bilang ng mga nasa oposisyong kinamumuhian siya. Bilang resulta, dumaragdag sila sa papalawak na pwersang nais pabagsakin si Duterte at ang buong rehimen niya.
Nagpapatuloy na kawastuhan ng pambansa demokratikong rebolusyon
Sa kabuuan, ang problemang dala ng COVID-19 sa mamamayan ay inanak ng kasalukuyang sistemang panlipunan. Sa kumpas ng malalaking korporasyon at ng mga imperyalistang bayan ay sadya at puspusang sinasabutahe ng mga naghaharing-uri ang anumang porma ng pag-unlad sa hanay ng mamamayan.
Sa kaso ng Pilipinas, kung saan palagian ang krisis dala ng malakolonyal at malapyudal na sistema, higit na may dalang bigat ang sakit na COVID-19 sa mamamayan. Dahil gumagalaw ang mga lokal na papet ayon sa dikta ng mga imperyalistang dayuhan, maiiwan ang bansa sa mas malalim pang perwisyo at kahirapan habang nagpapaligsahan ang mga mas mayayamang bansa sa kung paano madaling makakaahon mula sa kasalukuyang krisis gamit ang pananamantala.
Sa ngayon, tumambad na ang katotohang hindi kailanman para sa interes ng mamamayan ang mga hakbanging isinasagawa ni Duterte. Siya at ang kanyang rehimen ang nangunguna sa pagpapalala ng krisis na dala ng COVID-19 sa bansa. Sa katotohanan, ang nangyayaring kaguluhan ngayon ay testamento lamang ng kawalang kahandaan at kakayahan ng administrasyong Duterte na ipagtanggol at pangalagaan ang kanyang mamamayan.
Bunga nito, lalong nagiging malinaw na hindi na kay Duterte o sa mga kapulisan at militar ang sagot sa pagpuksa sa mga problemang dala ng COVID-19. Tanging sa pagdadala ng isang anti-pasista, anti-pyudal, at anti-imperyalistang paglaban lamang ganap na masosolusyonan ang problema ng kasalukuyang lipunan.
Sa kagyat, kinakailangang tipunin ang lahat ng takot at galit ng mamamayan at hubugin ito patungo sa isang malakawang pagkilos para labanan ang pandemikong banta sa buhay ng maraming mga Pilipino. Dapat isulong ng lahat ng pambansa demokratikong pwersa ang pagpapalakas ng panawagan para sa serbisyong medikal pagkain at ayuda. Dapat ilanad at ipabasura ang mga neoliberal na polisiya at pyudal na kulturang nagbabara sa tuluyang pag-unland ng bansa at ng mamamayan nito, gaya ng nasa program ng pambansa demokratikong kilusan.
Tanging sa pagpapanalo ng matagalang digmang bayan lamang tunay na mailalatag ang pundasyon ng isang lipunan na ipapanguna ang lehitimong interes ng mamamayan at gagawa ng mga substantibong hakbangin na magbibigay lakas sa kakakayanan ng bawat isa na humarap sa kahit na anu pamang pandemya.
Banner photo mula sa telesurtv.net