Pagpupugay sa militanteng kabataan-estudyante sa buong bansa!

Maria Laya Guerrero
3 min readNov 21, 2020

--

Pinagpupugayan ng Kabataang Makabayan ang lahat ng militanteng estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa Metro Manila at ibang rehiyon na walang takot na hinaharap ang bawat bigwas ng atake ng estado laban sa mamamayan at kabataan sa kasagsagan ng pandemya at sunud-sunod na kalamidad.

Nitong mga nakaraang araw at linggo, pinatunayan ni Duterte na wala nang maaasahan ang mamamayang Pilipino na anumang tulong o tugon mula sa kanya at kanyang administrasyon. Habang daan-libong mamamayan ang nananatiling lugmok galing sa hagupit ng magkakasunod na bagyo, nilalantakan ng rehimen ang pera ng mamamayan sa pamamagitan ng mga walang kwentang talumpati ni Duterte na wala nang ibang nilaman kung hindi ang pang-aatake sa mga kalaban sa pulitika at mga grupong ubos-lakas na tumutulong sa mga nasalanta at naapektuhan ng kalamidad. Kasabay nito, ang mga pasistang utusan ni Duterte ay todo-sikap na pinagtatakpan ang kawalanghiyaan ng rehimeng Duterte sa kriminal na pagpapabaya nito sa mamamayang Pilipino.

Hindi rin nagpatalo ang mga galamay ni Duterte sa iba’t ibang bahagi ng administrasyon ito. Isa sa mga pinakamatingkad na isyu nitong nakaraang linggo ang walang pakundangang pagsasawalang-bahala ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) sa mga mag-aaral, guro, at istap ng mga paaralan at unibersidad sa bansa. Walang kahit katiting na awa o kabutihang-loob ang pinakita ni Leonor Briones ng DepEd at Prospero de Vera III ng CHED nang agarang saraduhan ang mga hinihinging luwag ng mga estudyante para makabangon mula sa epekto ng sakuna. Ayon pa kay Briones, nasa diskarte na ng mag-aaral kung papaano patuyuin ang mga distance learning modules na nabasa sa baha at grabeng pag-ulan; habang si de Vera ay lantarang ipinasa sa mga unibersidad ang responsibilidad ng pagdedesisyon ukol sa pagbibigay ng pahinga para sa mga estudyante nito.

Sa ganito kasahol na pakikitungo sa mga mag-aaral ng mismong mga ahensya na inaasahan na mangalaga sa kapakanan ng mga estudyante sa bansa, hindi nakapagtataka pero lubos pa ring kahanga-hanga ang pinapakitang militansya ng mga kabataan.

Hindi alintana ng malawak na hanay ng kabataan ang mga banta ng rehimen at mga pagtatangkang demoralisahin ang kanilang hanay. Malinaw sa kanila na ang mga pananakot ni Duterte na tatanggalan ng pondo ang University of the Philippines, kasabay ng babala ni Harry Roque na ibabagsak sila ng kanilang mga guro at propesor kung magwelga, ay sumasalamin lamang sa sariling pagkatakot at pangamba ng administrasyong Duterte na patuloy pang lumaki ang nagkakaisang hanay ng kabataan-estudyanteng sawa na sa kriminal, kurap, pahirap, at pabayang rehimen!

Walang duda na sa patuloy na pang-aatake ng rehimen ay lalo lamang tatapang ang mga kabataang walang ibang hangad kung hindi ang pagkakamit ng kanilang demokratikong karapatan sa makabuluhang edukasyon.

Ang Kabataang Makabayan ay saludo sa mga progresibong kabataan-estudyante na handang ipagpaliban ang kanilang burgis na edukasyon at isalang ang sarili sa edukasyon ng lansangan — ang edukasyon ng pakikibaka at paglaban! Patuloy na magmartsa pasulong tungo sa pagkakamit ng maliliit hanggang malalaking tagumpay para sa kabataan!

--

--

Maria Laya Guerrero
Maria Laya Guerrero

Written by Maria Laya Guerrero

Read about the national democratic perspective on pressing issues — from the Kabataang Makabayan National Spokesperson.