Pagbati ng pakikiisa sa Kabataang Makabayan sa ika-56 na anibersaryo nito sa Araw ni Bonifacio
ni Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag, Kabataang Makabayan
Nobyembre 30, 2020
Sa ika-56 na anibersaryo ng ating organisasyon, nagpapaabot ako ng maalab na rebolusyonaryong pagbati at pakikiisa. Pulang saludo ako sa inyong katatagan at militansya sa pagpapatuloy ng rebolusyong Pilipino sa landas ng pambansang pagpapalaya at demokrasya hanggang sa pag-abot ng sosyalismo.
Taglay ninyo ang dakilang rebolusyonaryong tradisyon na inumpisahan ni Andres Bonifacio at ipinagpatuloy natin magmula Nobyembre 30, 1964. Malaki at mapagpasya ang pamumuno at mga ambag ng KM sa paglakas ng kilusang masa ng kabataan at sambayanang Pilpino at pagtatayo at paglakas ng iba’t ibang rebolusyonaryong pwersa sa hanay ng masang anakpawis sa buong kapuluan.
Pinupuri ko ang lahat ng pagsisikap, sakripisyo, at mga tagumpay ng KM bilang ligang komunista ng kabataan at bilang alyado sa balangkas ng Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas. Wastong nagpatuloy ang KM sa lihim na pagkilos magmula nang pinatawan ni Marcos ang bayan ng pasistang dikatdura noong 1972. Kailangan ng sambayanang Pilipino ang mga pwersang lihim dahil sa palagiang banta ng terorismo ng estado na bunsod ng takbo ng pang-aapi at pagsasamantala at palagiang krisis at pagkabulok ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema.
Nahaharap tayong muli sa isang halimaw na kaaway na nagpapataw ng pasistang diktadura sa ating bayan. Ito ang rehimeng Duterte na sukdulan ang kataksilan, brutalidad, pandarambong at panggagantso. Dapat paigtingin ang lahat ng anyo ng pakikibaka para labanan at wakasan ang rehimeng ito. Paghusayan din ang pagtanggap ng kilusang lihim, at mga nasa hanay ng mga rebolusyonaryong nasa pinakamataas na anyo ng pakikibaka, sa mga kabataang pinagbabantaan ng teroristang estado ng arbitrayong aresto at pagkakakulong, tortyur, at pamamaslang.
Natutuwa ako na muling inilulunsad ninyo ang website ng KM kasabay ang paglabas ng bagong isyu ng Kalayaan. Mahalagang mga kasangkapan ito sa pagsisiwalat ng katotohanan, pagpapataas ng kamalayang rebolusyonaryo, at pagpapaalab ng damdaming lumaban sa kaaway at tuparin ang mga tungkulin. Karapat-dapat na gamitin natin ang lahat ng paraan upang abutin natin ang malawak na masa ng kabataan at sambayanang Pilipino. Laging hangad nating ibayong mapatibay ang rebolusyonaryong kapasiyahan at mapataas ang antas ng rebolusyonaryong organisasyon at pagkilos ng masang Pilipino.
Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Wakasan ang halimaw na rehimeng Duterte!
Isulong ang bagong pambansa-demokratikong rebolusyon!
Mabuhay ang kabataang Piliopino!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!