Nauuna ang Kapasyahan sa Kahandaan: Kuwento ni Ka Kreto, Isang Full-Time na Hukbo sa Isang Larangang Gerilya sa Negros

Maria Laya Guerrero
5 min readMar 27, 2020

--

Likhang sining ni Ka Cherry mula sa balangay ng Hazel Panganiban ng Kabataang Makabayan

“Ang aklat ng tunay na mag-aaral ay ang lipunang kanyang ginagalawan; ang guro niya ang masa, at ang kanyang pagsusulit ay ang pagsasagawa ng isang mapagpalayang pagkilos.”

Estudyante pa lang ako noon sa kolehiyo nang sumapi ako sa Kabataang Makabayan. Sa kasalukuyan, full time na ako na kasapi ng NPA na gumaganap bilang Pampulitikang Instruktor ng Platun. Pero kung tutuusin, hanggang ngayon, estudyante pa rin naman ako — estudyante ng masang anakpawis.

Pero kagaya ng naranasan ng nakararami, masalimuot din ang aking dinaanan bago ako umabot dito. Siguro naka ilandaang “loop” muna ako ng “Anak ng Bayan” at “Awit ng Petiburges” kasabay ng ilandaang kontradiksyon na nilutas saka ko nadatnan ang pinakarebolusyonaryong desisyon sa buong buhay ko: ang mag NPA. Pero isa lang ang aking masasabi: nauuna ang kapasyahan sa kahandaan.

Dahil sa maraming kadahilanang petiburges — pinakaprimarya na doon ang kagustuhan kong tulungan muna ang pamilya — pinili ko munang grumadweyt sa kolehiyo. Pagkatapos kong grumadweyt, ayun na — nagsimula na ang hatak ng dalawang linya ng burgis at ng proletaryado: magpapaalipin ba ako sa lipunang malakolonyal at malapyudal o magsisilbi sa masang api? Dahil sa kahirapang resolbahin ang tunggalian sa sarili at sa pamilya, sinubukan kong piliin yung gitna (na sa pagbabalik-tanaw ay eskapismo): magtrabaho para “makatulong muna sa pamilya” habang magpa-part time sa kilusan.

Sinubukan kong laruin yung dalawang linyang nagtutunggalian: sa araw nagtatrabaho sa isang BPO company, at sa gabi patuloy na nag-oorganisa sa estudyante at ‘di nagtagal sa mga manggagawa. Pero hindi ako tinatantanan ng kontradiksyon: habang nasa loob ng opisina sa araw, hindi ko talaga matanggal sa isip ang lahat ng natutunan ko sa rebolusyon. Ang kinakaharap ko ay larawan ng tunggalian ng mga uri, na ang mga propesyonal at ang mayorya ng sambayanang Pilipino ay hinuhuthutan lang din ng imperyalismo, na ang kahihinatnan ko lang ay isang buhay ng pagka-alipin, na ang krisis na ito ay bunga ng panlipunang krisis, na armadong rebolusyon lang ang tanging solusyon. Siguro noong una, pinapabayaan ko na lang na manatili sa atrasadong pagrarason ko na: “Bahala na, pag-ambag pa rin naman ‘to kahit papaano.” Pero ‘di kalaunan, umigting nang umigting ang tunggalian sa isip ko. Na kesyo, kulang lang yung part-time ko na pag-aambag na kaya ko namang sagarin. Kaya ko namang mag full time. Kaya nga lang, kakailanganin kong harapin ang matagal ko nang iniiwasan — ang pamilya ko na ayaw na nga akong mag-aktibista, mag NPA pa kaya? Noong nagdesisyon akong umalis sa trabaho at mag full time at direktang mag tour-of-duty sa NPA, hindi ko kinayang harapin ‘to. Kaya tumakas na lang ako, tutal 1 buwan lang naman yung TOD ko. Saka ko na lang haharapin yung pamilya ko sa pag-uwi ko. Basta, buo na ang pasya ko na mag full-time.

Papunta pa lang sa unit, ‘di na hamak yung mga sapa at burol na dinaanan ko. Mataba pa naman ako. Pero di ko inalintana ang pagod at pawis kasi atat na atat na akong makasalamuha ang mga magigiting na mandirigma ng sambayanan. Halos walong oras siguro yung lakad bago ko nakasalubong ang mga kasama habang nagmomobile din sila. Sa mga unang araw sa loob ng kampo, nagpapamilyarisa pa ako sa buhay NPA: sa napakaagang gisingan at kainan, sa malamig na klima at tubig panligo, sa pagtulog sa duyan, sa malapit pero mapawis na paglalakbay sa mga posisyon ng mga kasama at sa kusina dahil may kahirapan ang tereyn ng kampo, at sa paghawak at paggamit ng baril. Kahit hindi ko nakasanayan lahat ng iyon, okay lang. Hindi naman ako pinapabayaan ng mga kasama. Naiintindihan daw nila na medyo nahihirapan pa ako kasi hindi naman ako sanay sa bukid. Doon pa lang, nagsimula nang mapatunayan ang lahat ng natutunan ko sa antas teorya pa lang noong KM pa ako. Sa kakarampot ko pa nga lang na karanasan, 3 tula na yata yung naisulat ko sa labis kong saya — na ganito pala ang buhay NPA: minsan mahirap, madalas masaya, at palaging mapagpalaya.

Sa unang-una ko namang mobile noong napasama ako sa isang mass work team, hindi ko na lang binilang kung ilang beses akong natumba kahit patag lang yung dinadaanan. Nag-aadjust pa kasi yung mga mata ko sa gerilyang lakad sa gabi. Pero ayun, tinatawanan ko lang naman (at tinutulungan ako ng mga kasama sa pagtawa). Pagdating sa bahay ng masa at nang buksan yung ilaw, kitang-kita yung ebidensya na maputik yung dinaanan namin. Pero ako lang yung sobrang dumi sa lahat ng kasama.

Nasa ekspansyon erya ako noong nag-TOD ako. Nakapagkontak kami ng mga bagong masa at nakapagbukas kami ng mga bagong erya. Kahit unang beses pa lang makakilala ng NPA ang masa, ramdam na ramdam mo ang init ng kanilang pagtanggap: literal na init kasi pinapakape ka na, nilulutu-an ka pa ng kanin at tuyo. Minsan nga, pinipilit pa kami na huwag nang umalis sa lugar kasi nahahamon sila pagkatapos matayo yung mga grupong pang-organisa ng mga magsasaka at makakuha sila ng MKLRP. Nakakagaan sa pakiramdam. May isang pagkakataon pa nga, sinabi ng masa sa kalagitnaan ng CSC bago kami umalis, na “Huwag niyo kaming pahintayin ng matagal. Bumalik kayo agad, ha.” Sa isang iglap, napaiyak ako at napagdesisyunan ko na kahit hindi pa umabot sa isang buwan yung pag-TOD ko, magfu-full time na ako sa Hukbo. Hindi na sapat ang pag-ambag ko na pansamantala.

Lalo pang tumibay yung desisyon ko noong nag-intact kami ulit at nilapitan ako ng isang kasama sa posisyon ko. Pinakiusapan niya ako na gumawa ng mga outline nga mga araling PADEPA para gawing gabay ng mga kasama sa pagbibigay ng mga aralin sa mga kapwang kasama at masa. Minsan lang raw kasi yung mga intelektwal na magTOD kaya nilulubos na lang nila ang panahon ko. Noong sinabi kong mag-fufulltime na ako, abot-tainga ang ngiti ng mga kasama. “Yes! Malaki ang matutulong mo dito, kasama. Lalo na sa mga pangliterasiya at pampulitikang mga gawain.” Kaya pinasampa nila ako sa Hukbo makaraan ng ilang buwan.

Noong nakauwi ako sa amin, hindi matanggap ng pamilya ko ang desisyon ko, kahit hanggang ngayon. Pero lagi’t lagi kong ipinapaalala sa kanila, na ang pagsilbi ko sa masa at pagsilbi ko sa rebolusyon hanggang sa tagumpay ay ang pagtulong at pagpalaya ko din sa pamilya na hindi naman naiiba sa masang inaapi ng sistemang ito. Hindi na ako nagpapahatak sa “panggitnang” desisyon. Kaya kahit hanggang ngayon, kinakaya ko ang pagkalayo ko sa aking pamilya, ang mga mahahabang mobile, ang simple at payak na pamumuhay, kahit akala ko noon na hindi ko kakayanin. Para sa masa, kakayanin ko itong lahat. Araw-araw ko na desisyon iyan. Araw-araw naghahatakan ang nakaraang ginhawang kinagisnan at ang kasalukuyang kahirapang makabuluhan, at araw-araw kong pinipili yung huli. Araw-araw kong pinipili ang rebolusyon.

Ikaw na rin, kasama. Sumapi na sa NPA. Naghihintay na kami ng masa rito. Tandaan, nauuna ang kapasyahan sa kahandaan.

-Ka Kreto Bernardo, isang full-time na myembro ng Bagong Hukbong Bayan mula sa isang larangang gerilya sa rehiyon ng Negros

--

--

Maria Laya Guerrero
Maria Laya Guerrero

Written by Maria Laya Guerrero

Read about the national democratic perspective on pressing issues — from the Kabataang Makabayan National Spokesperson.

No responses yet