Mga Primaryang Usapin Para sa Pagpapalakas ng Kabataang Makabayan Ngayong 2020
Sa pagpasok ng bagong taon, samu’t saring gawain at isyu ang kailangang tugunan ng mga kabataan ng pambansa-demokratikong kilusan upang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa ganap na tagumpay. May mga obhetibong batayan upang magpursigi sa pagsusulong ng rebolusyon.
Ramdam sa alingawngaw ng balita ang pagtindi ng pang-ekonomiko’t pampulitikang krisis ng kapitalismo. Sunod-sunod ang mga kilos protesta laban sa bulok na kaayusang neoliberal — sa mga bansa mang nasa kawing ng imperyalismo, tulad ng mga nasa Latin Amerika, o sa loob mismo ng mga abanteng kapitalistang bansa tulad ng France. Sa kasalukuyang tensyonadong sitwasyon sa pagitan ng US at Iran, ginagatungan muli ng imperyalistang agresyon ang posiblidad ng digmaan sa buong daigdig; ngunit tinututulan ito ng malawak namamamayan sa loob ng US at maging ng malaking bahagi ng pandaigdigang komunidad.
Kahit na milya-milya ang layo ng mga demonstrasyon at karahasan, hindi hiwalay ang Pilipinas rito. Sa pagtindi ng neoliberal na atake sa masang Pilipino, hindi tumitigil ang iba’t ibang anyo ng pakiki bakang inilulunsad ng mamamayan. Tanging ang pagkapit sa pasismo ang tugon ng pinagsamang atake ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo sa hitsura ng rehimeng Duterte.
Hindi makapiglas si Duterte mula sa pananakal ng imperyalismong US; idineklara niya ang pakikisangkot ng mga Pilipino sa Iran sa tabing ng pagtanggol sa mga Pilipinong madadamay sa gulo. Dumodoble pa ang kanyang pagkatuta sa lalong pagpapapasok ng dayuhang kapital mula sa Tsina. Nailantad muli ang pagkatalamak ng burukrata kapitalismo sa korapsyon at pantitipid sa pangangailangan ng mamamayan, at kakulangan ng epektibong tugon ng gubyerno sa pagsabog ng bulkang Taal. Ang budget para sa mga ganitong delubyo’y napunta sa panliligaw sa reaksyonaryong hukbo upang mapanatili ang pasistang makinarya ng rehimen na walang ginawa kundi maniktik, mang-aresto sa mga progresibong mamamayan gamit ng mga gawa-gawang kaso, at mismong pamamaslang sa mga lider ng mga organisasyong masa.
Mainit ang tatlong kontradiksyon ng imperyalismo sa kasalukuyang kundisyon: ang imperyalista laban sa mamamayan ng sarili niyang bayan; ang imperyalista laban sa mamamayan ng mga kolonya at mala-kolonya; at ang labanan sa pagitan ng mga imperyalista.
Pinatutunayan lamang nito na mali ang pinagsasabi ng mga ekonomista’t akademikong burges — na mga partikular na sirkumstansya lamang ang mga krisis na kinaharap ng pandaigdigang kapitalismo at wala nang mas maunlad pang anyo ng lipunan dito. Wasto ang tesis ni Lenin hinggil sa imperyalismo at proletaryong rebolusyon: tayo ay nasa bisperas ng sosyalistang rebolusyon. Saan mang dako ng mundong may aktibong mga pakikibaka ngayon, kita natin na sangkot ang mga kabataang makabayan at rebolusyonaryo.
Kung hinog ang mga kundisyon para sa pagpapabagsak ng imperyalistang pananamantala, dapat mag pursigi ang mga kabataan — ang susunod na salinlahing magpapatuloy sa pakikibaka upang umusad ang rebolusyon. Kung kaya, marapat lang nating tingnan kung paano natin tutugunan ang mga usapin ng pagsulong nang may pagtanaw sa pagpapalakas ng rebolusyonaryong sigwa.
May mga kagyat na gawain ang mga kabataang makabayan upang sumulong ang pambasa-demokratikong rebolusyon:
Sa pangkalahatan, tinatamasa nating palaganapin ang hanay ng mga kabataang naninidigan para sa pambansang demokrasya. Kung sisinsinin natin nang kaunti, ito’y may hitsura ng pagtatayo at pagpapalakas ng mga balangay ng mga pambansa-demokratikong organisasyong masa.
Sentral na usapin sa pagbubuo at pagpapalakas ng organisasyon ay pagpapatatag sa larangan ng ideolohiya. Ani ni Lenin,
Kung walang rebolusyonaryong teorya,walang rebolusyonaryong kilusan.
Ang kagyat nating tungkulin ay pag-aaral upang isulong ang rebolusyon. Anong klaseng pag-aaral at paano?
Ang una nating kailangang pag-aralan ay ang mga kongkretong kalagayan. Ang pag-aaral ng kongkretong kalagayan ay pag-aaral sa masang kinikilusan o kinalalagyan. Ito’y pag-aaral sa kanilang mga isyusng kinakaharap, mga mithiin, kalagayang pang-ekonomya, pampulitikang paninindigan, at iba pa. Ang pag-aaral ng kongkretong kalagayan ay pag-aaral sa disposisyon ng mga puwersa-sa kaaway man o sa mga rebolusyonaryo. Ang pag-aaral ng kongkretong kalagayan ay pinakamasinop at masigasig na pagsusuma’t pagtatasa sa inabot ng ating gawain sa araw-araw na pagkilos.
Ang pangalawa nating kailangang pag-aralan ay ang kasaysayan, partikular ang lipunan at rebolusyong Pilipino. Ang pag-aaral sa lipunan at rebolusyong Pilipino ay pag-aaral ng kasaysayan; hindi ito para magsaulo lamang ang mga pangalan ng mga indibidwal at lugar, o kaya’y pagtatanda ng mga petsa. Ito’y pag-aaral sa mga salik na nagbago sa pag-unlad ng lipunang Pilipino. Ang pag-aaral sa lipunan at rebolusyong Pilipino ay pagpunta, pakikipag-aralan, at pagsandig sa batayang masang anakpawis. Ang pag-aaral sa lipunan at rebolusyong Pilipino ay pag-aaral sa bagong tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon na pangunahing sinusulong ng CPP-NPA-NDF. Ito’y pag-aaral sa mga patakaran, mahahalagang desisyon at dokumento ng rebolusyonaryong kilusan hinggil sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon.
Ang pangatlo nating kailangang pag-aralan ay ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Ang pag-aaral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM), ay pag-aaral sa syensya ng rebolusyon-sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga panlipunang batas sa larangan ng ekonomya, politika, militar, at kultura.
Ang pag-aaral ng MLM ay pag-aaral sa mga tama at maling teorya’t praktika umusbong sa tahak ng proletaryong rebolusyon. Ang pag-aaral ng MLM ay pagsasapraktika ng pagpupuna-at-pag pupuna sa sarili, at pagtalima sa pang-organisasyong prinsipyo ng demokratikong-sentralismo. Ito’y naglalayong bawasan ang pagka kamali, matanggal ang mga kalawang na kaisipan at praktika ng or ganisasyon, at pagpapatatag ng bakal na disiplina na dumudulo sa mulat at boluntaryong pagkilos.
Ang pag-aaral ng MLM ay pagpapakuhay sa gilas sa estratehikal at taktikal na pamumuno sa pakikibaka.
Ang pag-aaral ng MLM ay pag-aaral na hindi natatapos sa pagbabasa ng mga teksto’t dokumento. Ang tunay na pag-aaral ng MLM ay pagsabak ng teorya sa praktika. Ang dalawahang ugnayan ng teorya at praktika — ito ang pamamaraan ng pag-aaral na dapat nating inilulunsad.
Sa pangkalahatan, ang praktika ng pag-aaral sa kongrektong kalagayan, lipunan at rebolusyong Pilipino, at Marxismo-Leninismo-Maoismo ay nasa anyo ng paglalatag sa pinakamalawak at pagpapalalim sa pagkakaunawa ng masa hinggil sa linya ng pambansang demokrasya. Sa ngayon, kailangan nating diinan ang paglalatag at pagpapaunawa sa teorya at praktika ng demokratikong rebolusyong bayan, lalo na ang armadong pakikibaka. Maksimisahin ang paggamit sa mga graffiti, sulatin, forums, pormal at impormal na mga diskusyon, mga pahayag sa mga mobilisasyon, at iba pang malikhaing anyo ng propaganda, upang epektibong makapamulat ng masang maoorganisa’t mamomobilisa.
Sa pagpapaunlad ng teorya at praktika ng ating pagkilos, tinatamasa nating lalapad ang ating hanay. Kung kaya, kinakailangan din nating tugunan ang mga segundaryo ngunit napakahalagang usapin ng pagpapakahusay sa ugnayan ng legal at ilegal na mga anyo ng pakikibaka’t gawain. Sa panahon ng papatinding pasismo, kinakailangang magpakahusay tayong lahat sa usapin ng seguridad ng sarili, mga kasama, mga dokumento, at rekurso. Kinakailangan din nating magpakahusay sa pagpapaunlad ng ligtas na mga pamamaraan ng komunikasyon at pagpapasulpot ng mga kagamitan para sa iba’t ibang anyo ng pakikibaka.
Lahat ng ito’y dapat dumulo sa pangunahing tungkuling tumungo sa kanayunan ang laksa-laksang kabataan, upang isulong ang armadong pakikibakang dudurog sa reaksyonaryong estado. Sa pamamagitan ng sistematiko’t puspusang pagpapaunlad sa mga gawaing ito ngayong 2020, pinatunayan na ng kasaysayan na magreresulta ito sa pagdami ng mga kadreng magsisilbing bagong salinlahi ng taliba ng rebolusyon at ng mga sasampa sa hukbo ng mamamayan. Sa pagdami ng mga ito, tiyak na magkakaroon ng mga pagbabago sa kalikasan ng kilusang masa sa lunsod at maging ng digmaang bayan patungo sa mas maunlad na antas hanggang sa tagumpay.