Mangahas na bakahin ang mga pasistang atake ng rehimeng US-Duterte! Pagtagumpayan ang mga demokratikong laban ng mamamayan sa pagsulong ng digmaang bayan!
Pagmunihan natin saglit kung ano na nga ba ang dinaranas ng milyun-milyong Pilipino sa nakaraang tatlong taon ng pamamahala ni Duterte. Hindi biro ang naging pagtaas ng mga bilihin, na lalong pinalala ng TRAIN — na sa pagkukunwaring pagbabawas ng pagbubuwis sa mamamayan (na siyang pinakinabangan lang naman ng mga malalaking negosyante), ay higit pa ang binawi sa pagtaas presyo ng mga batayang produkto.
Sa pagkaratsada naman ng Rice Liberalization Law noong nakaraang taon (2019), laksa-laksang magsasaka ang nabigwasan ang paghahanap-buhay — kahit makakuha lang ng pambawi sa ipinuhunan, hirap na rin.
Talamak naman sa mga pagawaan at opisina ang malawakang tanggalan sa trabaho. Sa pagpapanatili pa rin ng kontraktwalisasyon, marami sa ating mga manggagawa o empleyado’y di nakasisigurong hindi siya matatanggal sa trabaho.
Kahit na ipinasa ang RA 10931 at may mga nakatamasa na ng libreng matrikula, marami pa ring mga paaralan ang nagtataas ng mga iba’t ibang bayarin. Banas na banas na ang mga estudyanteng binibiktima ng K-12. Walang disenteng trabaho ang sumalo sa mga K-12 graduates kaya malakas ang kanilang galit sa palpak na patakarang wala naman silang napala kundi pagod, dagdag na mga taon, at dagdag na mga bayarin
Dagdag pa sa pasanin nating lahat, di hamak na lumala ang krisis sa transportasyon, lalo na sa kalunsuran. Walang awang sinasabi na lang ng administrasyon na gumising na lamang tayo ng lahat ng mas maaga. Ilan na kaya sa atin ang may layang matulog ng walong oras sa buong linggo?
Kaya hindi nakakagulat na sa loob ng tatlong taon, sunod-sunod ang paghimutok ng mamamayan laban sa hindi makatarungang pamamalakad ng administrasyong ito. Sunod-sunod ang mga welga ng mga manggagawa sa mga pabrika, lumalakas at dumarami ang mga organisasyon ng mga magsasakang ipinagtatanggol ang kanilang kabuhayan sa pagsasaka. Sunod-sunod ang pagprotesta ng iba’t ibang sektor para sa pagpapabasura ng mga anti-mamamayan na mga polisiya. Sa kabila ng mga bayarang trolls ng administrasyon, nagte-trending pa rin sa social media ang mga panawagang patalsikin si Duterte — kahit sa hanay ng mga peti burgesya’y hindi rin konsolidado ang suporta sa rehimen.
Krisis o Pakikibaka
Ang pakikibaka ng mamamayang Pilipino ay laging binabalot ng rehimeng Duterte bilang ang “totoong” krisis. Para sa rehimeng Duterte at mga kaalyado nitong mga imperyalista, panginoong maylupa, malaking burgesyang komprador, at burukrata kapitalista, ang kalagayan ng ekonomya ay mabuti para sa kanila, at ang pagtutol ng mamamayan dito ay “paglihis sa kaayusan”.
Binabalewala ng rehimen ang mga lehitimong panawagan ng mamamayang Pilipino bilang mga “destabilization attempts” na pakana raw ng mga komunista. Ang katawa-tawa, wala namang nagpapanawagan ngayon ng komunismo. Ang mga kasalukuyang panawagan ay para sa lupa, sahod, trabaho, at iba pang mga demokratikong karapatan.
Ginagamit pa nga ng rehimen ang retorika ng “krisis” upang bigyang katwiran ang kanyang paggamit ng dahas sa mga mamamayan.
Para sa mamamayan, ang tunay na krisis ay nagmumula sa mga anti-mamamayang polisiya ng gubyernong lumuluhod sa interes ng mga naghaharing uri. Para sa gubyerno ng mga panginoong maylupa, malaking burgesyang kumprador, burukrata kapitalista, at imperyalismo, ang krisis ay ang pakikibakang ito ng mamamayan.
Ang estadong gipit, sa pasismo kumakapit
Sa ganitong sitwasyon natin naisasakontekstuwalisa ang mga sunod-sunod na pasistang atake ng rehimen.
Sa tambalan ng Memorandum 32 at Executive Order 70, nakita natin sa halimbawa ng Negros ang balak ng gubyernong gamitin ang iba’t ibang sangay nito para organisadong pagpapatayin ang mga lider magsasaka, paniniktik, ilegal na mga pag-aresto, puwersadong pagbabakwit, at pambobomba ng mga komunidad. Nagdulot pa nga ito ng mga pang-aabusong sekswal, pagsira sa mga pag-aari at pananim, pag-raid ng mga kabahayan at iba pa. Sa tatlong rehiyon (Bicol, Samar, at Negros) na binabaan ng Memo 32, bata-batalyong sundalo ng AFP ang pinadala. Dalawa’t kalahating taon pa ngang ipinataw ang batas militar sa Mindanao. Kahit na binawi na ito, patuloy pa rin ang militarisasyon dito — nagbabalak ang militar na magtayo ng base sa Marawi.
Noong 2019 pa lamang, 69 puwesto sa ehekutibong sangay ng gubyerno ay hawak ng mga galing sa militar. 31 dito ay mga matataas na puwesto bilang bahagi ng mga ahensyang cabinet-level.
Ngunit sa kabila nito, patuloy pa ring sumusulong ang pakikibaka ng mamamayan. Kung kaya hindi nakakagulat na talagang gustong i-todo ni Duterte ang pagsakal sa lahat ng demokratikong espasyo’t ipataw ang pinakamarahas na pasistang mga atake sa mamamayan.
Sa pagsisimula pa lang ng taon, muling binubuhay ng pangkat ni Duterte ang usapin ng sapilitang ROTC sa bagong anyo ng CSTC o Citizen Service Training. Ito na naman ang isa sa mga pag-atake ng rehimen sa sektor ng kabataan-estudyante.
Hindi na lamang sa kolehiyo, kundi pati sa senior high school ay balak nilang magpatupad ng dalawang taong sapilitang ROTC. Sa kolehiyo naman may dalawang taon din na sapilitan ang mga estudyante sa programang ito, at may dagdag pang isang summer course (30 araw) na kailangan din kunin. Liban pa diyan may “optional” pang dalawang taon na puwedeng kunin bilang bahagi ng advanced CSTC.
Ang programang ito ay nasa ilalim ng mga opisyales na direktang pipiliin ni Duterte.
Kung hindi susunod ang mga estudyante sa programang ito, maaari silang makulong.
Kung paano prinoyekto ng militar ang Negros, Bicol, at Samar para sa pambansang saklaw nitong operasyon, balak din simulan ang CSTC na ito sa UP Diliman na ilang taon na ring inaatake ng rehimeng Duterte sa iba’t ibang paraan.
Lantaran itong pasistang pangungundisyon sa kaisipan nating mga kabataan para tanggapin ang bulag na pagsunod sa mga nakatataas ang ranggo, na alam na nating nagbigay daan para sa pang-aabusong nagdulot na ng karahasan at ilang insidente ng kamatayan.
Alam din nating bola-bola ang pagiging makabayang ituturo kuno ng CSTC. Alam nating ang ituturo doon ay huwad na nasyunalismong sa totoo’y pagsunod sa rehimen, kahit na lantaran itong tuta ng imperyalista.
Hindi lamang sa pandarahas ang hitsura ng pasismo, mayroon din itong ideyolohikal na pang-aatake. Sa kaso ng rehimeng Duterte, nakita na natin ito sa simula sa pagpapakawala niya ng mga trolls na itatambol ang baluktot na mga pagrarason ng estado. Gayundin naman ang naging papel ng mga pakawala niyang sina Mocha Uson, at maging ang mga pasakalye ng kanyang mga spokesperson at miyembro ng kabinete.
Hindi nakakagulat na sa pagkabigong supilin ng estado ang mga pagkilos ng mamamayang gusto nang patalsikin si Duterte, niraratsada ang Anti-Terrorism bill na pinatinding bersyon ng Human Security Act ng 2007
Sa malabong hitsura ng pangangahulugan sa “terorismo”, marami itong probisyon na puwedeng gamitin ng militar at pulis upang pagmukhaan ang sinumang pinaghihinalaan bilang terorista: mula sa “pagdadala” ng anumang gamit na puwedeng makaptay, o sumama sa isang rally na maparatangang may “layuning” maging “risk to public safety.”
Mala-batas militar ang hitsura ng panukalang batas na itong pinapayagang arestuhin at ikulong nang basta-basta ang mga pinaratangang terorista.
Kahit sino ay puwedeng tiktikan ng estado, ma-wiretap, o masilip ang kanilang mga text, tawag, at social media activity, nang walang paalam.
Kung sakaling makapag-piyansa, iginigiit ng panukalang batas na hindi puwedeng lumabas ang akusado sa bayan na siya’y sinampahan, at pinagbabawalan siyang gumamit ang telepono, internet, o sa ano pang paraan para umugnay sa labas.
Kahit ang pagtatalakay ng Marxismo, o iba pang kaisipang “radikal” para sa estado, ay dahilan para mapaghinalaang “sangkot” sa teroristang gawain. Kahit na sabihin ng mga mambabatas na ito na hindi sila namomroblema sa pagtatalakay ng mga ideya, basta’t “nananatili itong nasa larangan ng ideya,” alam nating kalokohan ito. Walang silbi ang ano mang pilosopiya — mas lalo ang Marxismo-Leninismo-Maoismo — kung hindi ito ginagamit sa pagbabago’t pakikitunggali sa mundo.
Pati pagsali sa mga organisasyon na pinaghihinalaan ng estado’y gagamitinng batas na ito para mambintang ng pakikisangkot sa “terorismo” — walang iba kundi pagsasabatas ng red-tagging na matagal naman nang ginagawa ng rehimeng ito.
Kita natin na sa lahat ng ito, ang talagang target ng estado ay ang mga organisadong mamamayan. Kayang-kaya kasi nilang dumugin nang basta-basta ang mga mag-isa o paisa-isang kumikilos o lumalaban. Pero hindi nila basta-bastang puwedeng yurakan ang mga organisadong paglaban ng mga Pilipino, nang walang pangamba ng pagbaluktot sa kasalukuyang konstitusyon, o kaya’y pagganti mismo ng mamamayan.
Krisis ang nagbubunsod ng pakikibaka
Sa kasaysayan ng tunggalian ng uri sa nakaraang mga siglo, sa loob at labas ng Pilipinas. Nagawa na ang pagbabawal ng mga kaisipan, pagbubuo ng mga study circles, pagbubuwag at paninira ng mga unyon, paniniktik sa mga kritiko ng estado, lantarang pamamaslang at pag-aaresto sa mga lider ng mga organisasyong masa. Lahat ng ito’y nagawa na mula sa pasismo ng 1920’s-40’s na Europa tulad nina Mussolini’t Hitler, hanggang sa pasismo sa mga mala-kolonyal at mala-pyudal na mga bansa tulad nina Suharto’t Marcos.
Ngunit sa lahat ng ito, ang mamamayang organisado’t lumalaban, ay nakakaigpaw sa mga kahirapang ito.
Ang pagpapatindi ng pasismong naninikil sa demokratikong karapatan ng malawak na mamamayan, ay naglalantad sa karupokan at limitasyon ng demokrasya sa kasalukuyang rehimen. Nilalantad nito muli ang pagiging demokrasya’t pinakamalawak na kalayaan para sa uring panginoong may lupa’t malaking burgesyang komprador, at ang kanilang mga kasapakat na burukrata kapitalista sa gubyerno, samatala’y nag-aanyo ang rehimen na ito bilang dikadurya nilang naghahari sa ating mayorya ng Pilipinas, gamit ang “kamay na bakal” ng pasismo sa ngalan ng “kaayusan at kapayapaan.”
Mula rito, makikita natin na kailangang masagpangan ang pakikbaka sa lahat ng demokratikong espasyong natitira pa sa parlyamento; pero dapat alam din nating madali sa diktadurya ng naghaharing uri ang paggamit ng pasismo para isara ang mga espasyong ito. Kung kaya, kahit na dapat masigasig tayong mangampanya laban sa pagpapasa ng mga panukalang batas na mga ito, kailangan nating pag-aralan at pagmunihan ang mga aral mula sa kasaysayan — na ang mapagpasyang paraan ng mamamayan para makamtam ang kanyang mga demokratikong interes ay sa pagiging organisado’t armado, para ipagtanggol nito ang sarili sa atake ng pasistang rehimen, at mismong wasakin ang kapangyarihan ng elitistang estado.
Malinaw ang ating landas — para bakahin ang mga pasistang pag-atake, para wasakin ang makinarya na naghahasik ng pasismo, kailangan nating sumapi sa isang hukbong bayang tunay na nakikidigma para sa demokratikong hangarin ng mamamayang Pilipino, at ginigiit ang kasarinlan ng Pilipinas laban sa dayuhang imperyalistang kapangyarihan.
Ang landas laban sa pasismo ay nasa pagsapi’t pagpapalakas sa Bagong Hukbong Bayan, at sa pagwasak sa pasistang estado ng rehimeng Duterteng tuta sa imperyalista. Kung hibang na hibang si Duterte na itutok ang baril ng reaksyonaryong estado sa ating mga mamamayan, kailangan nating palakasin ang ating hukbo — ang BHB, at itutok ang ating mga baril sa kanya.
Kabataan, tumungo sa kanyunan! Paglingkuran ang sambayanan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!