Liyan at Parts

Kwentuhan ni Ka Liyan, kasapi ng Kabataang Makabayan sa urban, at ni Parts Bagani, Artista ng Bayan, kasapi ng Bagong Hukbong Bayan, sa isang karaniwang araw sa larangang gerilya

Maria Laya Guerrero
2 min readMay 26, 2020
Likhang sining ni Parts Bagani

“Liyan, bukod sa mga nakikita ninyong mga likha ko sa internet, mahilig din ako magkolekta ng ala-ala. Dahon, usok, batang… kung anong makita ko na sa tingin ko ay dapat ipreserba sa kasaysayan na bahagi ng aming paglalakbay”, kuwento ni Ka Parts habang sabik na ipinakikita sa akin ang koleksyon ng kanyang mga likha.

“Kagaya nito. Alam mo bang dati, hindi pa uso sa amin ang paggamit ng bota? Mga ganitong klase ng sapatos ang gamit namin. Nang natanggap ko ang kauna-unahan kong bota kapalit ng sira-sira kong sapatos, napagdesisyunan ko siyang iguhit bago siya magbitaw sa kanyang tungkulin. Kung saan-saan din ako dinala niyan” kwento niya habang tila ba nangungulila sa kanyang huling Robertson.

“Alam mo Liyan, kapag may mga nakikipamuhay dito na mga kabataang kagaya mo, sobrang nasasabik akong ibahagi ang lahat ng ito.”

“Bakit mo pinili ang kanayunan?” tanong ko naman sa kanya. “Sa husay mo, kaya mong maging award-winning na visual artist na kumikita ng malaki sa lunsod! Bakit ang digma ang napili mong subject?”

“Liyan, hindi ko pinili ang digma bilang subject. Hindi ako nagpunta dito bilang artista lamang na naghahanap ng mga explicit na detalye. Panahon ni Marcos noon. Ipaliliwanag ng marami pang sumampang kabataang kagaya ko ang dahilan kung bakit dumaluyong kami papunta dito” sagot niya.

“Napakahusay… parang saulado mo na lahat ng linya at kulay ng digma!” pamamangha ko sa kanya.

“Bukod pa, hindi sa akin ang lahat ng ito. Hindi ko pwedeng angkinin ang mga likhang ito bilang sa akin. Sa masa ito. Sa kilusan. Hinding hindi ko magagawa ito, at walang kondisyon para, kagaya ng sinabi mo, ay ‘makabisa ko ang bawat linya at kulay ng digma’, kung hindi ako naging mandirigma”, pagpapatuloy niya.

“Kagaya na lamang nito”, sabay turo sa digital art na noon ay kanyang ginagawa, “alam mo bang kagaya mo ding kabataan ang nagturo sa akin ng digital art? Kung paano ang pasikot-sikot sa mga ganitong application? Haaaay, ‘na ko. Natatandaan ko siya. Parang ikaw din kung humanga”

“Nga lang, kas, wala akong kayang ibahaging talento sa ‘yo, hindi kagaya niya. Haha”

At sabay kaming natawa nang napagtanto ko na sobra na pala akong nalulong sa pamamangha sa mga gawa niya habang patuloy niya akong akong kinukwentuhan at pinahihintulutang halungkatin ang deka-dekada niyang koleksyon.

“Liyan, may mga kilala ka bang artist?”

“Oo naman. Madami sila! Idol ka nga nila, Kas, eh” sabik na sagot ko sa kanya.

“Sana makasama mo sila pagbalik mo dito. Gusto ko din silang makilala.”

At mahaba pa ang kwentuhang dumugtong. Hindi nakakasawa.

--

--

Maria Laya Guerrero

Read about the national democratic perspective on pressing issues — from the Kabataang Makabayan National Spokesperson.