Leninismo sa krisis at rebolusyon ng ika-21 siglo
Abril 22, 2020 - ito ang ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Vladimir Ilyich Ulyanov, na mas kilala bilang si Lenin. Hanggang ngayon, panakot ng imperyalista, mga reaksyonaryo, at mga kontra-rebolusyonaryo ang kanyang pangalan bilang simbolo ng rebolusyong proletaryo. Pero sa mga tunay na mag-aaral ng kasaysayan, mga progresibo, at mga rebolusyonaryo, at sa inaapi sa lahat ng mga bansa, ay hindi matatawaran ang pamumuno ni Lenin sa isa sa pinakamahalagang rebolusyon sa kasaysayan ng sangkatauhan.
Halos isang siglo na ang lumipas, sa gitna ng isang pandemya, patuloy na lumalalang krisis pang-ekonomya ng kapitalismo sa hitsura ng neoliberalismo, pagtindi ng digmaan sa hanay ng mga imperyalista, at pasulong na pag-aklas ng mga aping mamamayan sa buong mundo. Ganito rin ang mundong ginalawan ni Lenin, kung kaya mahalagang balikan ang ilang mga aral at prinsipyo ng Leninismo, upang may gabay at mapaghahalawan tayong praktika sa paglulutas sa mga suliraning kinakaharap natin ngayon.
Mga susing kontribusyon ni Lenin na kailangan nating balikan
Si Lenin ang isa sa mga nagpa-unlad ng rebolusyonaryong teorya ng Marxismo. Sa panahon ng pagsulpot ng mga kilusang manggagawa noong huling bahagi ng ika-19 siglo at unang bahagi ng ika-20 siglo, mainit na ipinagtanggol ni Lenin ang laman at kahalagaan ng rebolusyonaryong teorya laban sa iba’t ibang hitsura ng ideyalismo, suhetibismo, eklektisismo, rebisyunismo at ispontayong pagkilos sa rebolusyon. Iginiit niya na walang rebolusyonaryong kilusan kung wala ito tinatanganang rebolusyonaryong teorya.
Para kay Lenin, ang rebolusyonaryong teorya ay ang kabuuan ng mga pagsusuri, prinsipyo, at praktika hinggil sa pag-intindi ng mundo at pagbabago nito — o pagrerebolusyon. Sa madaling sabi, ang rebolusyonaryong teorya ay walang iba kundi ang buhay na praktika ng Marxismo, na kumalat sa panahon ni Lenin. Ito ang sinubukang baguhin o bakahin ng mga reaksyonaryo, kontra-rebolusyonaryo, at mga nagpapanggap na Marxista o tinatawag na rebisyunista.
Hindi uubra para kay Lenin na umasang uusad ang rebolusyon nang hindi inaangat ang politikal at ideyolohikal na kamalayan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagtangan nila sa rebolusyonaryong teorya. Ito’y mahalagang usapin ngayon sa panahong ibinabaon ng mga ideyolohikal na opensiba ng kapitalismo ang Marxismo-Leninismo bilang mga “laos na teorya’t modelo” sa pagbabago ng lipunan.
Susing usapin ang pagyakap at pagpapayakap ng mamamayan sa rebolusyonaryong teorya upang sumulong ang rebolusyon.
Isa sa pinakamahalagang kontribusyon ni Lenin ay ang kanyang pagsuri sa katangian ng yugto ng kapitalismo sa kanyang panahon: imperyalismo.
Inilatag ni Lenin ang mga limang katangian ng imperyalismo: ang dominasyon ng monopolyo kapital, ang pagsanib ng kapital pang-industriya at kapital ng bangko sa hitsura ng kapital pampinasya, ang paglaki ng export kapital sa buong mundo, na nagbubunsod sa pang-ekonomikong paghahati ng mundo, na dumudulo sa teritoryal na paghati rito.
Hindi maitatanggi na sa ating mundo ngayon, pasok pa rin ito sa tesis ni Lenin hinggil sa imperyalismo. Itinuro ni Lenin ang ang yugtong ng kapialismo sa kasalakuyan ang siyang pinakabulok na yugot nito. Ito ang yugto na tumitindi ang kontradiksyon sa pagitan ng mga monopolyo kapitalista at mga mamamayan ng lokal nitong bansa, sa pagitan ng mga imperyalistang bansa at mga kolonya o mala-kolonya nito, at sa pagitan mismo ng mga imperyalistang bayan.
Kung kaya, para kay Lenin, ang imperyalismo ang bisperas ng mga sosyalistang rebolusyon. Nananatiling hinog ang mga panlabas na kundisyon upang isulong ang pakikibaka sa pagpapabagsak ng kapitalismo’t pagtatag naman ng mga sosyalistang estado.
Dahil rito, malaki ang papel ng mga kilusang pambasang pagpapalaya sa mga kolonya at mala-kolonya tulad ng Pilipinas, upang pahinain ang kawing ng imperyalismo sa buong daigdig.
Bilang namuno sa pagrerebolusyon ng mga Ruso hanggang sa unang bahagi ng sosyalistang konstruksyon ng Unyong Sobyet, maraming ambag si Lenin na mga estratehiya’t taktika hinggil sa mga usaping politikal at organisasyonal na kinapulutan ng aral ng maraming mga rebolusyonaryo.
Idiniin ni Lenin ang kahalagaan at mga taktika sa pag-oorganisa ng masa, ang kahalagaan ng batayang alyansa ng uring manggagawa’t magsasaka sa pagrerebolusyon, ang dalawahang taktika ng rebolusyon sa paggamit ng mga ligal at iligal na pamamaraan, at ang organisasyonal na prinsipyo ng demokratikong-sentralismo.
Inilinaw din ni Lenin ang papel ng estado bilang instrumento ng maka-uring pamumuno. Pinapaalala ng Leninismo na esensyal ang pagbuwag ng estado ng naghaharing uri at pagtatag ng pamumuno ng uring manggagawa at mga kaalyado nitong mga rebolusyonaryong uri.
Sa kasalukuyang sitwasyon at sa kasaysayan ng Pilipinas, napatunayan nating wala sa pagpapatalsik lamang ng liderato makukuha ang ganap na pagbabago. Hanggang hindi natin winawasak ang buong estadong pinaghaharian ng mga panginoong may lupa, malaking burgesyang kumprador, burukrata kapitalista’t mga amo nilang imperyalista, hindi natin makakamtan ang tunay na pagbabago.
Mahalaga itong usapin lalo na’t lumalakas ang kilusang talsik laban sa pasistang tuta ng imperyalismong si Duterte. Kailangang ipaliwanag at mahamig natin ang dagat ng masang makita na ang lulutas sa kagyat na mga problema ng Pilipinas, ay walang iba kundi ang pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan at isulong ang pambansang demokratikong alternatiba sa pamamagitan ng isang matagalang digmang bayan.
Ang tagumpay ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon ng Rusya ay kinapulutan ng mga aral ng mga bansa tulad ng Tsina sa pagkapanalo nito sa kanyang demokratikong rebolusyong bayan noong 1949, at ng iba pang mga pambansa demokratikong kilusan sa Asya, Europa, at Timog Amerika. Marami rin tayong makukuhang aral kay Lenin hinggil sa transisyon papunta sa sosyalismo, at kung ano ang hitsura ng lipunang naglilingkod sa masa.
Kung babalikan din natin ang kasaysayan, kumaharap din ang mundo ng pandemya noong 1918 sa hitsura ng Spanish flu, prinoyekto agad nina Lenin sa mga serbisyong panlipunan ay ang pagpapatupad ng universal healthcare system, isa sa mga nauna sa buong mundo, kahit na kumaharap ang Rusya noon ng digmaang sibil laban sa mga kontra-rebolusyonaryong kulaks, at interbensyon ng mga imperyalistang bansa. Patunay ito sa pagpapahalaga ng sosyalismo sa kagalingan at kalusugan ng mga mamamayan bilang mahalagang rekisito sa maunlad na ekonomiya at maunlad na lipunan.
Ipagdiriwang ang ika-150 na anibersaryo ng kapanganakan ni Lenin
Ang pagdiriwang sa ika-150 na anibersaryo ng kapanganakan ni Lenin ay pagkakataon upang lalong isulong ang Marxista-Leninistang pagsuri at pagkilos saan mang dako ng mundo.
Mag-aral, isapraktika, at ipalaganap ang rebolusyonaryong teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Bakahin ang mga rebisyunista, reaksyonaryo, at kontra-rebolusyonaryong kaisipang pinapakalat ng mga iba’t ibang grupong nanlilinlang sa mamamayan.
Magkaisa at suportahan ang mga mamamayang nakikibaka sa imperyalismo, saan man o ano man ang hitsura nito sa mundo.
Sa Pilipinas, ang hitsura nito’y pagsulong sa pambansang demokratikong rebolusyon nang may sosyalistang perspektiba, sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayng binubuo ng nakikibakang rebolusyonaryong partido ng proletaryado, mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, at ilang bahagi ng petiburgesya, ang hukbong bayan, ang milisyang bayan at mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa buong bansa.
Ang pagpapanalo ng labang ito’y walang iba kundi pagsapi at pagpapalawak ng mga organisasyong ito sa lahat ng bahagi ng 99% ng mamamayang inaapi ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo.
Nananatiling wasto ang mga tesis at prinsipyong inilatag ni Lenin, isang siglo nang nakalipas. Nangangahulugan ito ng pagpapatuloy natin ng militanteng pakikibaka hanggang sa ganap na tagumpay, na siyang diwa ng Leninismo.
*larawan mula sa neodemocracy.blogspot.com