Editoryal: Gunitain at ipagbunyi ang ika-51 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan!
Mahigit limang dekada na ang nakakaraan nang pasimulan ng 60 katao ang dati rati’y musmos na hukbo ng mamamayan. Bitbit ang iilang riple at wastong linya ng Marxismo, Leninismo at kaisipang Mao Zedong, matapang silang bumigwas sa hamon ng panahon sa harap ng mababangis na atake ng reaksyunaryong estado at pasistang hukbo nito. Sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, matapos ang limampu’t-isang taon, umani tayo ng napakaraming ginintuang aral at karanasan na siyang magagamit natin sa kasalukuyang panahon para magkamit ang higit pang mga tagumpay sa pagsusulong digmang bayan.
Makalipas ang limang dekada, naririyan pa rin ang mga batayan para higit na itaas ang antas at ang ating kakayahan sa pagsusulong ng digmang bayan. Higit pa itong naging matining dahil sa walang kapares na krisis na kinaharap ng mga mamamayan sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Sa pagpapatupad nito ng mga neoliberal na polisiya sa ekonomya, higit nitong pinatindi ang kahirapang nararanasan ng masang anakpawis sa bansa. Walang tigil nitong pinapasok ang mga kalakal ng mga dayuhang bansa tulad na lamang ng bigas sa pamamagitan ng Rice Tariffication Law. Ito ang siyang dahilan kung bakit lalung bumaba ang presyo ng bigas na nililikha ng magsasaka sa bansa habang walang tigil naman ang konsentrasyon ng lupa sa iilang mga pamilya ng panginoong maylupa.
Sa kabilang banda naman, hindi rin nito tuluyang pinigilan, at sa totoo pa nga, ay ginawa pa nitong ligal ang kontraktuwalisasyon sa bansa habang ipinapako naman sa napakababang halaga ang sahod ng mga manggagawa. Hinahayaan ng rehimeng US-Duterte ang mga dayuhang kapitalista na mag-astang hari sa loob ng mga Economic Processing Zone o mga enklabo habang ginagawa namang mga mala-alipin ang mga manggagawa sa pamamagitan ng pagwasak sa kanilang mga karapatang sumali at magbuo ng mga unyon.
Ang mga patakarang ito ay pagpapakita ng sagad sa butong pagkatuta ni Duterte sa mga mga imperyalistang bayan tulad ng Estados Unidos at Tsina. Ibinubuyangyang nito ang bansa para sa direktang pamumuhunan at sobrang kalakal para sa solong kapakinabangan ng dayuhang bansa. Hindi pa nakuntento, ngayon, nais na nitong hayaang magmay-ari ang mga dayuhang bayan ng 100% ng negosyo at ari-arian bansa.
Batid ng rehimeng US-Duterte na ang mga pahirap na patakarang ito ay magbubunsod lamang ng higit na paglaban ng mamamayan. Kaya naman, buong bagsik din nitong sinusupil ang lahat ng mga kritiko, aktibista at mamamayang tumutuligsa sa kanyang gobyerno. Ginagamit nito ang AFP at PNP bilang pangunahing instrumento para sa pananakot, paniniktik, pagdukot at pagmamaslang. Tinransporma din nito ang ibat-ibang ahensya ng gubyerno upang maging kasangkapan sa paglulunsad ng “all-out war” laban sa mga mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Nais din nitong ipatupad ang Mandatory ROTC sa loob ng mga eskwelahan upang buuhin ang Student Intelligence Network na hahati sa pagkakaisa sa paglaban ng mga kabataan at maniniktik sa mga kilalang lider-estudyante sa loob ng eskwelahan. Nais din nitong ipatupad ang isang hindi deklaradong batas militar sa mukha ng Anti-Terror Bill para pigilan ang anumang pagtatangka ng mga sambayanan na makabuo ng malapad ng pagkakaisa laban sa diktadura nito. Wala pa man ang nasabing batas, umabot na sa libo-libo ang naging biktima ng pandarahas, pagpapakulong, pagdukot at pagpatay sa mga sibilyan at kilalang mga lider-aktibista sa bansa. Niloloko ni Duterte ang kanyang sarili kung inaakala nitong hihina at liliit ang bilang ng mga aktibista sa bansa. Bagkus, tiyak pa itong madaragdagan kung sakaling maipasa ang nasabing panukalang batas na dinidinig sa kongreso at senado.
Ganunpaman, bigo ang rehimeng US-Duterte sa pag-aakalang matatakot ng mga ganitong pakana ang mga mamamayan. Sa aktwal, higit pa nitong binigyang katwiran ang paglulungsad ng armadong pakikibaka lalo pa’t tanging sa tagumpay ng digmang bayan na lamang nakikita ng mamamayan na makakamit nito ang tunay na hustiya mula sa napakahabang kasalanan ni Duterte sa samabayanang Pilipino. Araw-araw ay higit na lumalaki ang bilang ng mamamayang sumusuporta sa demokratikong gubyernong bayang itinatayo ng rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan.
Sa kasaysayan, malaki ang naging papel ng mga kabataan para higit na lumawak at umabante ang kakayahan na ating rebolusyonaryong hukbo. Hindi ito nagdadalawang isip na gamitin ang tapang, talino at lakas ng pangangatawan para paglingkuran ang sambayanang Pilipino. Sila rin ang nagsisilbing di matutuyong balon ng mga bagong rebolusyonaryo na lagi’t-lagi ay nakahandang tumangan ng armas upang ipagtanggol ang mamamayan laban sa reaksyunaryong estado at pasistang hukbo nito.
Kaya naman, sa nalalapit na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan, iniimbitahan ang lahat ng mga kabataan na tumungo sa kanayunan upang ipagbunyi ang limampu’t-isang taong tagumpay ng armadong pakikibaka sa bansa. Gamitin natin ang pagkakataong ito para bigyang sikad ang pag-aaral ng mga artikulong nagbibigay linaw sa kawastuhan ng digmang bayan sa bansa tulad ng Espesyal na Kursong Masa ng Digmang Bayan, Partikular na Katangian Digmang Bayan, Gawaing Masa sa Kanayunan, at marami pang iba. Higit nating ipalaganap ang mga propagandang naghihikayat sa mga mamamayan upang makiisa at lumahok sa pagsusulong ng isang rebolusyonaryong digma. At higit sa lahat, inaanyayahan natin ang lahat na maging bahagi ng mga rebolusyonaryong organisasyon at sa huli ay maging kasapi ng pinakamamahal nating hukbo, ang Bagong Hukbong Bayan.
Pag-aralan ang lipunan, paglingkuran ang sambayanan! Kabataan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!